DOLE, mag-iinspeksyon sa mga ecozones, security agencies at TV network
Nakatakdang mag-inspeksyon ang DOLE sa iba’t-ibang economic zones, security agencies at mga TV networks para matiyak ang pagsunod ng mga ito sa mga General Labor standards at Occupational Safety and Health.
Sa Administrative Order No. 350, iniutos ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang paglikha ng Special Inspection Team na bubuuin ng 34 na bagong katatalagang Labor Inspection Auditors o LIAs na magsasagawa ng inspection sa mga priority sectors.
Sa oras na makapagisyu ng Authority to Inspect ang Regional Director, agad na magiinspeksyon ang mga LIAs sa mga nasabing sektor kabilang na ang mga TV networks sa bansa.
Bukod sa main companies, sisiyasatin din ng DOLE ang mga contractors, subsidiaries, at affiliates nito kabilang na ang field, provincial, at regional operations offices ng mga ito.
Beberipikahin ng mga inspection teams ang compliance ng mga kumpanya sa minimum benefits ng mga kawani gaya nf tamang pagbabayad ng sahod, holiday at night differential pay, service incentive leave, 13th month pay, at iba pang leave incentives para sa mga kababaihan na nasa ilalim ng batas.
Ulat ni Moira Encina