DOLE may paalala sa mga employer para sa mga araw ng holiday
Umapila si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga employer na tiyaking mababayaran ng tama ang kanilang mga empleyado para sa mga manggagawa para sa mga araw ng holiday.
Ngayong buwan may isang special non-working holiday ito ay nitong Agosto 21 na Ninoy Aquino Day at isang regular holiday na sa Agosto 30 naman na National Heroes Day.
Giit ni Bello, sa kabila ng ipinatutupad na community quarantine sa iba’t ibang lugar sa bansa, ang mga pribadong kumpanya na inobliga na ang kanilang mga empleyado na pumasok na ng pisikal sa trabaho ay kailangan magbayad ng tamang pasuweldo salig na rin sa isinasaad ng Labor Code.
Para sa August 21, Ninoy Aquino Day, kung hindi pumasok ang empleyado sa nasabing araw ay iiral ang “no work, no pay”.
Maliban nalang kung may collective bargaining agreement sa kumpanya.Kung pumasok naman ang isang manggagawa, tatanggap ito ng karagdagang 30 percent ng kanyang basic wage sa unang 8 oras ng trabaho.
Kung sosobra naman sa 8 oras ang trabaho, dapat itong bayaran ng dagdag pang 30% ng kanyang hourly rate sa nasabing araw.
Kung natapat naman sa day off, tatanggap ito ng dagdag pang 50% ng kanyang basic wage sa unang 8 oras.
Kung may overtime naman ito, tatanggap pa sya ng karagy 30 % ng kanilang hourly rate sa nasabing araw.
Para naman sa Agosto 30 na National Heroes Day, ang empleyado ay dapat tumanggap ng 100% ng kanyang sahod sa araw na iyon kahit hindi pumasok sa trabaho.
Pero kung pumasok ito, dapat syang tumanggap ng 200% ng kanyang sweldo sa araw na iyon para sa unang 8 oras.Kung mag-overtime naman ito, dapat syang tumanggap ng 30% pa ng kanyang hourly rate.
Kung day off naman pero pumasok parin tatanggap pa ito ng karagdagang 30% ng kanyang suweldo.
Kung mag overtime naman, dapat itong tumanggap pa ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate sa araw na iyon.
Madz Moratillo