DOLE nagbabala sa publiko laban sa mga pekeng trabaho na naka-post sa social media

Nagbabala ang Department of Labor ( DOLE ) sa mga naghahanap ng trabaho laban sa pagkalat ng pekeng social media pages and account na nag-aalok ng bakanteng trabaho sa bansa at abroad.

Inilabas ang babala kasunod ng ulat na tinanggap ng DOLE Information and Publication Service ( IPS ) mula sa isang jobseeker na nagngangalang “ Mary “ na nakausap umano niya para sa isang local job opportunity  ang isang Arthur Villena na nagtatrabaho sa labor department.

Ayon kay Mary, nakuha niya ang detalye mula sa isang diumano’y ‘DOLE Job Assistance-Local and Abroad’ Facebook page kung saan may iba’t-ibang posts para sa mga interesadong aplikante para magtrabaho sa Canada, Australia, Singapore, London at mga trabaho para naman sa Calabarzon at Minaropa tulad ng nurses, caregiver, managers, restaurant staff at iba pa.

Ginamit din sa page ang logo ng DOLE na naka-post ang mga larawan ng mga isinagawang  training at isang larawan ni dating Labor Secretary Rosalinda Baldoz.

Dahil  sa interesadong makakuha ng slot sa gusto niyang trabaho, tinawagan ni Mary ang numerong 0935-743-0054  nakalagay sa post at nang makausap niya sa telepono ay hinihingan siya ng P1,000 para sa reservation fee sa pamamagitan ng isang mobile money transfer.

Matapos maipadala ang pera, sinabi ng hinihinalang si Arthur na magkita sila ni Mary sa DOLE Central Office sa Intramuros, Manila para asistihan siya sa kaniyang job application.  Subali’t pagdating niya sa DOLE, wala raw nagpakita sa kaniya at nang tawagan niya ang nasabing scammer ay din na raw ito sumasagot sa kaniyang tawag.

Dahil dito humingi agad ng tulong si Mary at inireklamo ang insidente sa labor department.

Sa pagsusuri ng DOLE, napag-alaman na walang Arthur Villena sa listahan ng kanilang mga empleyado at ang nasabing facebook page ay isa lamang pekeng account.

Inireport naman ng DOLE IPS ang naturang page at nakipag-ugnayan na rin sila sa management ng Facebook na i-shut down ang account upang di na mabiktima pa ang iba pang job seekers.

Aminado naman ang DOLE na nakasusumpong sila ng mga social media account at pages na nakalagay ang hindi awtorisadong local at overseas job vacancies gamit ang mga logo ng labor department at ng Philippine Overseas Employment Administration     ( POEA ) upang iligal na makapag-recruit, scam at makatangay ng pera mula sa mga naghahanap ng trabaho. Samantala, pinayuhan ng DOLE ang publiko lalo na ang mga job seeker na bisitahin ang kanilang official website na www.dole.gov.ph, PhilJobNet-www.philjobnet.gov.ph para sa local job posting, at sa POEA naman ay –www.poea.gov.ph para sa overseas job orders at berepikahin ang mga licensed at accredited recruitment agencies sa bansa.


Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *