DOLE nagpaalala sa mga employer sa holiday pay sa June 28
Muling nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa tamang pasahod sa kanilang mga empleyado sa June 28.
Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na holiday ang June 28 sa pagdiiriwang ng Eid’l Al-Adha.
Sa Labor Advisory ng DOLE, ang mga empleyadong hindi papasok sa nasabing araw ay dapat pa ring tumanggap ng kanilang basic wage sa nasabing araw.
Pero dapat sila ay pumasok sa trabaho o naka-leave with pay sa araw bago ang regular holiday.
Kung natapat na rest day ng empleyado ang araw bago ang holiday, entitled pa rin siya sa holiday pay kung pumasok siya sa trabaho o naka-leave with pay bago ang kanyang rest day.
Kung pumasok naman ito, dapat siyang makatanggap ng 200% o dobleng bayad para sa nasabing araw, at dagdag na 30% sa sobrang oras ng paggawa.
Kung natapat naman sa day off pero pumasok, bukod sa double pay, dapat may dagdag pa siyang 30% ng kanyang basic wage sa araw na iyon.
Kung sumobra naman sa oras ng trabaho, dapat siyang tumanggap ng karagdagan pang 30% ng kanyang hourly rate.
Weng dela Fuente