DOLE, umaasang magbabago ang isip ng PAL sa pag-lay off ng higit 2,000 empleyado
Maaari umanong irekonsidera ng Philippine Airlines ( PAL ) ang kanilang plano na pagtanggal ng mahigit 2,000 na manggagawa kasunod ng malaking krisis sa ekonomiya na idinulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sa ngayon ay nagsisimula na ring bumalik ang airline business.
Maraming manggagawa na rin kasi aniya ang pinapayagan ng DOLE na makabalik sa kanilang mga bansang pinagtatrabahuhan sa mga bansang bumubuti na ang sitwasyon.
Naniniwala si Bello na sa mga pagbabagong nangyayari ngayon ay magbabago ang isip ng PAL na magtanggal ng libo-libong empleyado.
Umapela rin ang Kalihim sa lahat na maging kalmado dahil ang pangamba ay hindi makatutulong sa mga ginagawang pagsisikap para sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.
Tiniyak ni Bello na sa pagbubukas ng ekonomiya ay isinasaalang-alang ng gobyerno ang mga health protocol para malabanan ang COVID-19.
Madz Moratillo