DOLE umapila na huwag ma-abolish ang OWWA at POEA
Tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III na suportado nila ang mga panukala para sa pagtatag ng Department of Overseas Filipino Workers.
Pero apila ni Bello, huwag naman sanang mabuwag ang Philippine Overseas Employment Administration at Overseas Workers Welfare Administration.
Sa inisyal na plano kasi aniya, sa ilalim ng panukalang batas para sa pagbuo ng Department of OFWs ay ma-a-abolish ang mga nasabing ahensya.
Ayon kay Bello, sa halip na buwagin sana ay i-absorb na lamang ng bagong departamento para sa mga OFW ang POEA at OWWA.
Giit ng kalihim, subok naman na ang dalawang ahensya na ito sa pagtulong sa mga OFW.
Sinabi naman ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na sa mga nakalipas na taon ay ginawa ng kanilang tanggapan ang lahat upang maisakatuparan ang mandato at matulungan ang mga OFW at kani-kanilang mga pamilya.
At ngayong may COVID-19 pandemic ay tuloy-tuloy ang assistance ng OWWA sa mga OFW, mula sa pagtanggap ng mga ito ng cash assistance at iba pang uri ng ayuda.
Madz Moratillo