DOLE,nagpaalala sa tamang pasweldo sa mga empleyado sa mga araw ng holiday ngayong Abril
Nagpaalala ang Department of Labor and Employment sa mga employer hinggil sa tamang pasahod sa kanilang mga manggagawa para sa mga araw ng holiday ngayong Abril.
Sa Labor Advisory na pirmado ni Secretary Silvestre Bello III, nakasaad na ang Abril 9 na araw ng Kagitingan, Abril 14, at 15 ay deklaradong regular holiday kaya dapat na tumanggap ng double pay ang mga empleyadong papasok sa mga nasabing araw.
Ang April 16 naman ay deklarado bilang special non working holiday.
Ayon sa DOLE, kung ang isang empleyado ay hindi papasok sa mga petsa ng Abril 9, 14 at 15 siya ay dapat na tumanggap parin ng 100% ng kanyang sahod sa mga nasabing araw at 200% naman kung ito ay papasok.
Kung lumagpas naman sa 8 oras ang trabaho, dapat makatanggap ito ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate sa mga nasabing araw.
Kung natapat naman sa day off pero pumasok parin ito, bukod sa double pay, dapat tumanggap siya ng karagdagan ang 30% ng kanyang hourly rate sa araw na iyon.
Kung sosobra pa sa 8 oras ang trabaho, dapat itong madagdagan pa ng 30% ng kanyang hourly rate.
Para naman sa papasok sa Abril 16, kung hindi papasok ang isang empleyado, paiiralin ang no work no pay policy malibang may umiiral na collective bargaining agreement sa kumpanya.
Kung pumasok naman, dapat itong tumanggap ng karagdagang 30% ng kanyang basic wage, at dagdag pang 30% kung lalagpas sa 8 oras ang trabaho.
Kung natapat naman sa kanyang day off, dapat siyang tumanggap ng 50% ng kanyang basic wage at dagdag pang 30% kung sosobra sa 8 oras ang trabaho.
Madz Moratillo