Dolomite sand project sa Manila Bay, pinaiimbestigahan na sa Senado
Pinaiimbestigahan na sa Senado ang kontrobersyal na Dolomite white sand Manila Bay project na nagkakahalaga ng 389 milyong piso.
Naghain na ng Senate Resolution 565 si Senador Francis Pangilinan para paimbestigahan ang ligalidad, Environmental at Public Health hazard ng naturang proyekto.
Sabi ng Senador, pagsasayang ng pondo ang ginawang nourishment project sa Manila Bay dahil tinangay lang ito ng malakas na alon sa Manila Bay nang manalasa ang bagyo.
Napakarami aniyang ibang dapat pagkagastusan ang gobyerno tulad ng pagresponde sa mga apektado ng Covid-19 Pandemic at mga biktima ng bagyo lalo na sa Bicol region.
Senador Francis Pangilinan:
“Napakaraming ibang dapat gastusan ng pera ng bayan, hindi ang white beach project sa Manila Bay. Lumampas na sa 380,000 ang COVID cases, marami nang dumaan na malalakas na bagyo, pero pinipilit pa rin na tama ito. Ang tanong, kailangan ba talaga ito?”
Nais ng Senador na pagpaliwanagin rin ang mga opisyal na sangkot sa programa dahil sa posibleng paglabag sa Local Government Code; Philippine Fisheries Code; Wildlife Conservation Act; Environmental Impact Assessment System at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Giit ng Senador,hindi lang Manila Bay ang problema kundi ang pagmimina ng Dolomite sa Alcoy, Cebu na maaaring magresulta ng pagkasira ng coral reefs at tirahan ng mga endagered species sa karagatan.
Meanne Corvera