Domestic tourism, malaki ang maiaambag sa pagpapasigla sa ekonomiya ng bansa
Tiwala ang mga tourism industry player at mga ekonomista na malaki ang maitutulong ng sektor ng turismo lalo na ng domestic tourism para mapalago muli ang ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Dr. Andrew Staples ng Economist Impact, magiging positive driver para sa economic growth ang muling pagtaas ng demand sa lokal na turismo.
Sinabi pa ni dating Tourism Assistant Secretary at dating Tourism Promotions Board Chief Operating Officer Domingo Ramon Enerio na karamihan o 90% ng kita sa turismo ay mula sa domestic tourism na malaki ang tulong sa mga lokal na komunidad.
Noong 2019 o bago ang pandemya, nasa 12.9% ang ambag ng turismo sa ekonomiya ng bansa batay sa tala ng Philippine Statistics Authority.
Bagamat bumaba ito sa 5% sa panahon ng COVID-19 pandemic, naniniwala ang mga tourism stakeholder na kaya itong muling maabot ngayong nagluluwag na muli ang travel restrictions at sabik na muling magbiyahe ang mga Pinoy.
Kumpiyansa pa si Enerio na kapag napagtuunan ng pamahalaan ang lokal na turismo ay makatutulong ito para bumilis na makabangon ang bansa mula sa epekto ng pandemya.
Sa pag-aaral din ng kilalang online platform para sa short homestays at rentals, marami sa mga Pinoy ang nagbibiyahe sa mga lokal na destinasyon at sa mga hindi pa gaanong dinarayong lugar kahit nagbubukas na ang international travels.
Kaugnay nito, hinimok ng dating DOT official si Tourism Secretary Christina Frasco na lalo pang paigtingin ang kooperasyon sa mga lokal na pamahalaan upang makabuo ng mga komprehensibong programa para mahimok ang mas marami na bumiyahe sa iba’t ibang panig ng bansa
Iminungkahi rin ni Enerio sa gobyerno na palakasin ang ugnayan at kolaborasyon sa pribadong sektor na mahalaga ang papel para masuportahan ang pagpapasigla sa turismo.
Kasama na rito ang pagbibigay ng DOT ng mga insentibo sa private sectors.
Ipinunto naman ng tourism stakeholders ang importansya ng sustainable at resilient na turismo sa kabila ng pagsigla ng turismo.
Sa Northern Mindanao, bagamat dumarami ang lokal na turista ay tiniyak ng DOT Region 10 na napapanatili nila ang kaayusan at sustainability ng tourist destinations doon.
Moira Encina