Donald Trump, Jr. nagpositibo sa COVID-19
WASHINGTON, United States (AFP) — Nagpositibo sa COVID-19 ang panganay na anak ni US President Donald Trump na si Donald Trump, Jr. ngunit wala itong sintomas pero naka-quarantine na.
Ayon sa tagapagsalita ng 42-anyos na anak ni Trump, nagpositibo ito sa pagsisimula ng linggong ito, at sinusunod naman ang lahat ng medically recommended COVID-19 guidelines.
Ang positive test ni Trump, Jr. ay kasunod ng ilan pang nagkaroon din ng COVID-19 sa White House, kasama na ang kaniyang ama na na-ospital pa, kanyang ina na si Melania at bunsong kapatid na si Barron.
Maging ang kasintahan ni Donald Jr na si Kimberly Guilfoyle na dating host ng Fox News, ay nagpositibo rin noong July.
Kahapon, Biyernes ay inanunsyo rin ni Andrew Giuliani, isang aide sa White House at anak ng personal lawyer ng pangulo na si Rudy Giuliani, na siya man ay nagpositibo rin sa sakit.
Si Donald Jr ay isa pinaka outspoken at agresibong tagapangtanggol ng kaniyang ama, na tumatanggi pa ring kilalanin ang kaniyang pagkatalo sa Democrat na si Joe Biden sa presidential election noong November 3.
Ilang araw makalipas ang halalan, nanawagan ito sa kaniyang ama na magsagawa ng “total war” laban sa aniya’y electoral fraud sa kabila ng kawalan ng ebidensyang susuporta rito.
Gaya ng kaniyang ama, patuloy din nitong minamaliit ang nararanasan ngayong COVID-19 pandemic.
© Agence France-Presse