DOST, magsasagawa ng sertipikasyon ng election inspectors
Nakahanda na ang Department of Science and Technology (DOST), na magkaloob ng training at certification sa higit 210,000 miyembro ng electoral boards (Ebs), na magsisilbi sa automated election system (AES) para sa 2022 national elections.
Sinabi ni DOST Secretary Fortunato dela Peña, na handa na silang simulan ang training and certification program para sa EBs na magsisilbi sa national at local elections para sa halalan sa Mayo.
Ang EBs, na dating tinatawag na Board of Election Inspectors, ay binubuo ng mga guro mula sa Department of Education na pinili batay sa criteria ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon sa DOST, bago sila i-deploy sa halalan sa Mayo ay kailangang makumpleto muna ng EBs ang serye ng training programs, kabilang na ang DOST Certification Program.
Ang Amended Automated Election Law o Republic Act 9369 ay nag-aatas sa DOST, na pangasiwaan ang sertipikasyon ng mga miyembro ng EBs bilang mga taong may kakayahan sa information technology, na maaaring gumamit ng vote counting machine (VCM).
Ang mga layunin nito ay ipatupad ang DOST certification portal at sanayin ang mga certifier kung paano gamitin ang VCM, isama/i-update ang certification materials/paraphernalia para sa mga pagpapahusay, modifications o pagbabago sa mga VCM na gagamitin sa mga botohan at magsagawa ng certification ng EBs bilang paghahanda. para sa 2022 AES.
Ayon sa DOST, may 210,320 EBs ang magsisilbi sa national at local elections.
Sinabi ni Engineer Jose Patalinjug III, DOST-NCR regional director, na ang training and certification program ay target na gawin sa Marso, dalawang buwan bago ang halalan.
Aniya . . . “The program was meant to ensure that EBs have adequate competencies in using the ballot reader and various automated equipment and machines under the AES. DOST has implemented the program in previous elections ever since the Comelec had put the AES in place.”