DOT: Higit 44,000 hotel workers sa NCR, fully vaccinated na
Nakakumpleto na ng bakuna kontra Covid-19 ang halos lahat ng hotel workers sa Metro Manila.
Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na tinatayang nasa 44,234 ang aktibong mga manggagawang nagtatrabaho sa mga hotel sa NCR at 99% sa kanila ay fully vaccinated na.
Malaking bagay aniya ito bilang proteksiyon sa mga manggagawa sa pagbabalik-trabaho nila.
Halos nasa isang milyong empleyado sa Tourism sector ang nawalan ng hanapbuhay ngayong Pandemya kaya napakahalaga aniya na nabuksan na uli ang turismo sa ilalim ng Alert Level 3 sa NCR.
Sa ilalim ng Alert Level 3, pinapayagan nang magbukas ang maraming establisimyento sa 30% indoor venue capacity para sa mga fully vaccinated habang 50% naman sa outdoor venue capacity basta lahat ng empleyado ng mga establisimyentong ito ay fully vaccinated.
Tanging ang mga DOT -accredited staycation hotel na may Safety Seal certification ang papayagang tumanggap ng mga bisita na ang edad ay 18 pataas at fully vaccinated.