DOT magkakaloob ng livelihood grant sa mga tourism worker na apektado ng oil spill
Siyam na community-based Sustainable Tourism Organizations (CBSTO) mula sa mga lugar na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro ang nakatanggap ng livelihood grants mula sa Department of Tourism (DOT).
Ang mga ito ay ang KAMI ng San Teodoro; ang SMARTT, KAKAMBAL, at SNPS ng Calapan City.
Gayundin, ang SAMBA, SNR, at Wawa Women’s ng Pinamalayan; at ang Samahan ng Mangingisda ng Agsalin at Sta. Theresa Fishermen Association ng Gloria.
Pinangunahan ni Tourism Secretary Christina Frasco ang pamamahagi ng Certificate of Tourism Grants (CTG) sa mga lider sa mga nasabing organisasyon.
Sa pamamagitan nito ay magkakaroon sila ng starter kits para sa alternatibong hanapbuhay habang apektado pa ang kanilang kasalukuyang trabaho ng oil spill.
Kabilang sa mga ito ang agri-tourism at iba pang skills na may kaugnayan sa tourism offerings.
Sinabi pa ng DOT na magbibigay ito ng training programs sa mga apektadong tourism workers sa mga munisipalidad ng Gloria, Pinamalayan, Naujan, San Teodoro, Pola, Bulalacao, Mansalay, at Calapan City.
Ilan sa mga tatalakayin ay ang Farm tourism, Urban Farming, Tourism Micro Retail, Beadwork and Lei making, Food Tourism, Kulinarya Training, Health and Wellness Tourism, Hilot Training, at Basic Haircutting Training.
Pagkakalooban din ng Tourism Infrastructure and Economic Zone Authority (TIEZA) ng P2 million ang mga apektadong LGU para sa kuwalipikadong tourism-related projects ng mga ito.
Sa tala ng DOT, 66 tourism attractions at 1,400 tourism workers ang apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Moira Encina