DOT Sec. Frasco, tiniyak kay Cong. Salceda ang patas na promosyon ng tourist destinations sa “Love The Philippines “ campaign
Kinikilala umano ng Department of Tourism (DOT) ang mga kontribusyon ng probinsya ng Albay sa turismo ng bansa.
Ito ang inihayag ni Tourism Secretary Christina Frasco makaraan na madismaya si Congressman Joey Salceda sa hindi pagkakasama ng tourist spots sa Bicol gaya ng Bulkang Mayon sa “ Love The Philippines “ tourism campaign video ng DOT.
Sinabi ni Frasco na pasimula pa lang ang tourism video na kanilang ipinalabas at talagang maraming puwedeng mahalin sa Pilipinas.
Aniya, patikim lang ito sa mundo kung anu-ano ang maiaalok ng Pilipinas pagdating sa turismo.
Siniguro ni Frasco na sinisikap ng DOT na patas na maipakilala ang lahat ng tourist spots sa bansa sa bagong kampanya.
Katunayan aniya ay magkakaroon ng Philippine Experience: Heritage, Culture and Arts Caravan sa Bicol Region.
Una aniya itong itinakda sa Hulyo pero pansamantalang iniurong sa Agosto dahil sa situwasyon sa Mayon Volcano.
Ayon pa kay Frasco, kaibigan niya at ng kaniyang pamilya si Salceda sa loob ng maraming taon at malakas ito na kaalyado ng turismo ng Pilipinas lalo na sa mga tagumpay nito noong siya ay gobernador.
Moira Encina