DOT suportado ang pag-develop ng mas maraming parke sa bansa
Magbibigay ng suporta at gabay ang Department of Tourism (DOT) sa mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang panig ng bansa para sa development ng mga parke at open spaces sa kanilang hurisdiksyon.
Sa 1st Philippine Parks Congress sa Rizal Park Open Air Auditorium, sinabi ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco na nakipag-ugnayan na ang mga attached agencies ng DOT sa LGUs para umagapay sa development ng mga parke hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
Ayon sa kalihim, isa sa mga layunin nito ay matiyak na patuloy na makapagbigay ang DOT ng oportunidad para sa tourism product development sa iba’t ibang panig ng bansa.
Mahalaga aniya ang mga parke dahil nagkakaroon ang mga tao at kanilang pamilya na makapag-relax at mapalapit sa kalikasan.
Dumalo sa 1st Philippine Parks Congress na may temang “Growing healthier, more livable cities through urban parks” ang public at private sector stakeholders na sangkot sa pag-develop ng urban parks at green spaces.
Layunin ng pagtitipon na makapaglatag ng pundasyon para sa pagbuo ng national framework para sa development ng Philippine urban parks.
Moira Encina