DOT tiniyak na nakalatag ang health at safety protocols sa tourist destinations para sa ligtas na pagbiyahe sa Pilipinas
Ligtas na maglakbay ang mga turista sa tourism destinations sa bansa.
Ito ang binigyang-diin ng Department of Tourism (DOT) kasunod ng pagkakasama ng Pilipinas sa listahan ng US Center for Disease Control and Prevention (CDC) sa mga bansa na nasa level 3 para sa COVID-19 category.
Sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na patuloy na aktibong nakalatag ang health at safety protocols sa mga tourist spot sa bansa.
May mga precautionary measure din aniya na ipinatutupad ang pampubliko at pribadong sektor.
Tiwala si Frasco sa mga panuntunan at patakaran na inilatag ng gobyerno na layon na balansehin ang kaligtasan ng kalusugan at pagbiyahe ngayong new normal.
Dahil dito, iginiit ng kalihim na ligtas na makabibiyahe ang mga turista at bisita sa bansa.
Inihayag pa ni Frasco na kailangan na baguhin ng mamamayan ang pananaw at matuto na mabuhay kasama ang virus.
Hindi aniya dapat na payagan na makaapekto ang takot sa sakit sa pamumuhay at travel plans lalo na’t maraming kabuhayan ang nakasalalay sa turismo.
Moira Encina