DOT umaasa sa muling pagbisita ng Chinese tourists sa bansa
Kinikilala ng Department of Tourism ang malaking kontribusyon ng Tsina bilang major tourism source market ng Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Tourism Secretary Christina Frasco kasunod ng paglilinaw ng Chinese Embassy na hindi inilagay ng China ang Pilipinas sa tourism blacklist.
Ayon kay Frasco, ang China ang pangalawa sa pinakamalaking pinagmumulan ng turista sa Pilipinas kasunod ng South Korea.
Noong 2019 aniya ay umabot sa mahigit 1.7 milyong Chinese ang bumisita sa Pilipinas.
Sinabi ni Frasco na ang nasabing bilang ay nagpapakita ng magandang relasyon ng Tsina at Pilipinas lalo na sa aspeto ng turismo.
Pero sa ngayon aniya ay hindi pa muling binubuksan ng China ang borders nito para sa outbound leisure travel.
Gayunman, tiwala at umaasa si Frasco na muling magbabalik ang mga turistang Chinese para bumisita sa tourist destinations sa Pilipinas.
Moira Encina