Double murder inihain sa DOJ laban sa mga pulis at taxi driver na sangkot sa pagkamatay nina Arnaiz at de Guzman
Sinampahan na ng patung-patong na kaso sa DOJ ang dalawang pulis Caloocan at ang taxi driver na isinasangkot sa pagpatay kina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “kulot” de Guzman.
Dalawang counts ng murder ang inihain ng mga magulang nina Arnaiz at de Guzman sa pamamagitan ng Public Attorney’s Office laban kina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita at sa taxi driver na si Tomas Bagcal.
Ipinagharap din ang tatlo ng reklamong torture at planting of evidence sa ilalim ng section 29 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act at section 38 ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Si Arnaiz ay napatay ng mga pulis nang makipagbarilan sa mga ito matapos holdapin si Bagcal noong August 18.
Pero ayon sa forensic analysis ng PAO, nakaposas at posibleng nakaluhod si Carl Angelo nang siya ay pagbabarilin ng mga pulis.
Inilahad naman ng mga magulang ni Kulot na sina Eduardo at Lina Gabriel sa kanilang sinumpaang salaysay na sinadyang pinatay ang kanilang anak para patahimikin sa pagpaslang kay Arnaiz.
Ulat ni:Moira Encina