DPWH-Bicol, naka-alerto sa mga posibleng epekto ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon
Tiniyak ng Department of Public Works and Highways o DPWH na handa ito sa pagtugon sa posibleng epekto ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, nakaalerto na ang Regional and District Risk Reduction and Management Team ng DPWH Bicol Region.
Kaugnay nito, inatasan na ni DPWH Region 5 Director Danilo Versola, ang mga district engineers ng tatlong DPWH District Engneering Offices sa Albay na bantayan ang mga kalsada at river channel sa lalawigan na maaring maapektuhan ng pag-agos ng lava mula sa bulkan.
Nagpre-position na rin ng mga heavy equipment at service vehicle ang DPWH para sa road clearing operations, paglikas sa mga residente at pamamahagi ng relief goods.
Sa oras naman ng worst case scenario, tumukoy na rin ang DPWH ng mga alternatibong ruta para maiwasan na ma-isolate o hindi marating ang mga bayan na lantad sa ashfall at lahar.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===