DPWH, handa na sa rehabilitasyon ng Marawi City
Tiniyak ng Department of Public Works and Highways na nakahanda na ang ipapatupad nilang rehabilitasyon sa Marawi City na winasak ng nagpapatuloy na giyera ng tropa ng pamahalaan at ng mga teroristang Maute group.
Sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na naka-standby na malapit sa Marawi ang mga kagamitan na kakailanganin sa rehabilitasyon na sisimulan sa oras na matapos na ang digmaan kabilang na ang clearing operations ng militar.
Pero bago simulan ang konstruksyon, magsasagawa muna ang DPWH ng damage assessment sa Lungsod.
Bukod sa DPWH, kasama rin sa rehabilitasyon ng Marawi ang Department of National Defense, Department of Trade and Industry, Department of Education, Department of Social Welfare and Development, Department of Energy at Department of Information and Communications Technology.
Nauna nang sinabi ni Presidntial Spokesman Ernesto Abella na hindi bababa sa anim na buwan ang itatagal ng rehabilitasyon sa Marawi na magsisimula kapag ganap nang natapos ang giyera at ang clearing operations sa nasabing lugar.