DPWH, hihirit ng dagdag na pondo para sa pagtatayo ng mga evacuation centers sa buong bansa
Handang tugunan ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtayo ng maraming evacuation centers na magagamit sa panahon ng kalamidad tulad ng pananalasa ng bagyo, lindol at pagputok ng bulkan.
Sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar sa economic briefing sa Malakanyang na kailangan ang karagdagang pondo para sa konstraksyon ng mga evacuation centers sa ibat-ibang panig ng bansa.
Ayon kay Villar sa ngayon naka-programa sa DPWH ang pagtatayo ng dalawang evacuation centers sa bawat lalawigan.
Inihayag ni Villar nito lamang nakaraang taon ay mayroong naitayong 114 na mga evacuation centers at tatlo sa mga ito ay nagagamit na ng mga evacues sa pagputok ng Taal volcano.
Niliwanag ni Villar na ngayong 2020 ay 200 mga evacuation centers ang naka-programang ipapatayo.
Idinagdag ni Villar na kailangan din ng DPWH ang additional na pondo para sa quick response team upang agad na makatugon sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency.
Ulat ni Vic Somintac