DPWH, iniutos ang mahigpit na pangangalaga at pag-iingat sa mga heritage sites sa bansa
Mas maghihigpit ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pag-iisyu ng mga permit at certificate sa anumang panukalang infrastructure project na maaring makaapekto sa integridad ng mga historical at cultural sites.
Ito ay alinsunod sa Department Order Number 12 na may lagda ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na naguutos sa mahigpit na pangangalaga at pag-iingat sa mga heritage sites.
Sa ilalim ng kautusan, inatasan ang lahat ng Regional Offices, District Engineering Offices, Project Engineers at Offices of the Building Officials ng DPWH na makipag-ugnayan at kumonsulta muna sa National Commission for Culture and Arts at National Cultural Agencies sa anumang proyekto para maiwasan ang posibleng pagkasira ng mga heritage sites bago magisyu ng mga permit o sertipikasyon.
Partikular na kailangan ikonsulta sa NCAA at NCA ang anumang konstruksyon, renovation, retrofitting o demolition activities sa mga heritage sites o mga katabing historical at cultural sites.
Gayundin, ang pagsasagawa ng feasibility studies para sa disenyo, improvement at implementasyon ng mga infra projects na maaring makaapekto sa mga Cultural Property ay kailangang ikonsulta sa NCAA at NCA.
Binalaan din ng DPWH ang mga hindi susunod sa direktiba na papatawan ng karampatang parusa.
Ulat ni Moira Encina