DPWH, nakapagtayo na ng mahigit 500 Healthcare facilities mula nang magsimula ang Covid-19 Pandemic
Umabot na sa 538 Healthcare facilities ang naitayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa buong bansa mula ng magsimula ang COVID-19 Pandemic.
Batay sa report ni DPWH Undersecretary at Task Force for Augmentation of Local and National Health Facilities Emil Sadain kay DPWH Secretary Mark Villar, sa 720 healthcare facilities na target ng kagawaran ay umabot na sa 538 ang kanilang nakumpleto.
Mayroong 20,300 bed capacity ang mga pasilidad na ito.
Samantala, target naman ng DPWH na makumpleto ang 182 pang Health facilities sa mga darating na linggo.
Tiniyak ng DPWH na minamadali na nila ang pagtatayo ng mga pasilidad na ito upang mapataas pa ang Health system capacity ng bansa lalo na at hindi pa tapos ang Pandemya.
Nitong Huwebes, ininspeksyon ni Health Secretary Francisco Duque III kasama ang iba pang opisyal ang Quezon Institute Off-site Modular Hospital.
Ang pasilidad ay mayroong 2 units na kayang makapag-accommodate ng 44 pasyente mula sa moderate hanggang critical COVID-19 case.
Ang pasilidad na ito ay patatakbuhin ng mga Medical personnel mula sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Maliban naman sa modular hospitals, mayroon ring itinayong dalawang dormitoryo na may 64-bed capacity ang DPWH kung saan maaaring manatili ang mga Health workers sa Quezon Institute.
Madz Moratillo