Driver na tumakas sa traffic violation, naging sanhi ng karambola ng mga sasakyan sa Maynila, 15 sugatan
Aabot sa mahigit sampung ibat-ibang uri ng sasakyan ang nagbanggaan sa kahabaan ng Taft Avenue malapit sa kanto ng Ayala sa lungsod ng Maynila ngayong hapon na naging sanhi ng pagkakasugat ng 15 katao.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang insidente nang takbuhan ng isang itim na Honda Jazz na may plakang THI 328 ang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau na humuhuli sa kanya dahil sa “disregarding lane markings” violation sa bahagi ng Pedro Gil.
Sa pagmamadali umanong makatakas ay inararo ng nasabing sasakyan ang iba pang sasakyan sa kanyang unahan.
Nakilala ang suspek na nagtangkang tumakas sa kanyang driver’s license na si Martin Anthony Santos ng San Jose del Monte, Bulacan.
Isang motorsiklo ang naipit ng isang taxi at ng isang pulang kotse kung kaya’t malubhang nasugatan ang dalawang sakay nito.
Bukod dito, may anim na iba pang motorsiklo ang nadamay rin sa aksidente.
Dahil dito, isinara ang bahagi ng Taft Avenue patawid ng Ayala sa direksyong patungo sa Manila City hall at naging sanhi ng masikip na daloy ng trapiko.