Drug convict, inabswelto ng Korte Suprema dahil sa kabiguan ng pulisya na sundin ang Chain of Custody ng nakumpiskang illegal drugs

 

Ipinawalang-sala ng Korte Suprema ang isang lalaking na-convict sa pagbebenta ng wala pa sa isang gramo ng shabu dahil sa bigong masunod ng pulisya ang chain of custody ng nakumpiskang iligal na droga.

Sa 15 pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Diosdado Peralta, binaligtad at isinantabi ng Supreme Court Third Division ang ruling ng Court of Appeals noong November 2016 na nagbabasura sa apela ng akusadong si Federico Ajero Señeres Jr. at nagpapatibay sa pag-convict ng Taguig RTC noong December 2015 dito.

Kaugnay nito, inatasan ng Korte Suprema si Bureau of Corrections Director- General Nicanor Faeldon na agad palayain si Señeres mula sa New Bilibid Prisons at mag-ulat sa loob ng limang araw mula nang matanggap ang desisyon kung ano ang hakbang na ginawa nito.

Pero ito ay maliban na lamang kung may iba pang kinakaharap na kaso si Señeres.

Ayon sa desisyon ng SC, hindi nasunod ng pulisya ang orihinal na probisyon ng Section 21 ng RA 9165 kung saan nakasaad na pagkatapos makumpiska ang droga ay dapat agad na maisagawa ang physical inventory at photograph sa presensya ng akusado, kinatawan mula sa media, DOJ at sinomang halal na opisyal ng gobyerno.

Sinabi ng Korte Suprema na walang kinatawan mula sa media at DOJ at maging elected official nang isagawa ang pagimbentaryo ng mga nasamsam na droga kay Señeres kundi tanging security guard lang
kaya bigo ang prosekusyon na patunayan ang pagkakasala ng walang pagdududa.

Ang lumang probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ang ipinatupad sa kaso ni Señeres dahil nahuli ito bago pa maamyendahan batas noong 2014.

Binigyang-diin ng Supreme Court na kailangan na mas mahigpit ang pagsunod ng mga pulis sa nasabing probisyon lalo na kung kakaunti lamang ang nasamsam na droga dahil ito ang madalas na susceptible sa tampering, alteration at pagtatanim ng mga ebidensya.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *