Drug supply sa Pinas, kontrolado pa rin ng Golden Triangle Drug Syndicate – PDEA
Nasa kamay pa rin ng Golden Triangle Syndicate na binubuo ng mga bansang China, Burma, Myanmar, Laos at Thailand ang drug supply sa Pilipinas.
Ito ang inamin ni Philippine Drug Enforcement Agency ( PDEA ) Director General Virgilio Lazo kasabay ng pagdiriwang ng Ika-21 Anibersaryo ng ahensiya at naging panauhing pandangal si Philippine National Police ( PNP ) Chief General Benjamin Acorda.
Ayon kay Lazo, kasabwat ng Golden Triangle Syndicate ang iba pang drug syndicate na Chinese Hongkong Triad, African at Mexican Sinaloan.
Sinabi ni Lazo na paborito parin ng mga international drug syndicate ang Pilipinas na gawing transhipment point ng mga ilegal na droga na kinabibilangan ng heroin, cocaine, shabu, ectstacy at fentanyle dahil sa kaluwagan ng Anti-Illegal Drug Law sa bansa.
Ipinagmalaki naman ni Lazo ang mga accomplishment ng PDEA tulad ng Barangay drug clearing operations kung saan umabot na sa 27,206 Barangay sa bansa ang drug cleared at 8,332 na lamang ang Barangay drug affected sa bansa, 3,169 ang mga naarestong high value targets at 44,866 ang naarestong drug personalities mula 32,225 na anti-drug operations sa buong bansa.
Vic Somintac