DSWD nakapamahagi na ng P88 milyong halaga ng ayuda sa mga biktima ng baha sa Visayas at Mindanao
Umabot na sa 88 milyong piso ang naipamahaging ayuda ng Department of Social Welfare and Development sa mga kababayan nating naapektuhan ng matinding pagbaha sa Visayas at Mindanao.
Salig na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad mabigyan ng tulong ang mga apektadong residente.
Ayon kay DSWD OIC Edu Punay, kabilang sa kanilang naipamahagi ay mga pagkain, non-food at emergency cash assistance.
Nabatid na nasa higit 100 libong indibidwal pa ang nananatili sa higit 300 evacuation centers sa mga nasabing rehiyon.
Tiniyak naman ni Punay na may sapat pang pondo ang DSWD.
Sa monitoring ng DSWD nasa humigit kumulang 1.8 milyong indibidwal ang naapektuhan ng baha at malalakas na pag-ulan sa Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Northern Mindanao.
Matatandaang una ng nagtungo si PBBM sa Misamis Oriental Occidental para makita ang sitwasyon ng mga apektadong pamilya roon.
Madelyn Villar – Moratillo