DSWD patuloy sa pagkakaloob ng tulong sa mga biktima ng kalamidad sa Davao Region
Maliban sa Family food packs ginagamit na ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang Emergency cash transfer sa mga biktima ng kalamidad sa Davao region.
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mabigyan ng cash assistance ang mga pamilyang biktima ng matinding pagbaha at landslide sa Davao Region, partikular sa Maco, Davao de Oro.
Sampung libong piso ang ipagkakaloob na Emergency cash transfer sa bawat pamilyang biktima ng pagbaha.
Ang mga namatayan naman dahil sa baha at landslide ay tatanggap ng tig-sampung libong piso, habang ang mga nasugatan ay tig-limang libong piso.
Manggagaling ang pondo sa Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS program ng kagawaran
Maliban sa family food packs, namimigay din ang DSWD ng mga non food packs assistance tulad ng mga hygiene kits, sleeping kits at kitchen kits.
Sa record ng DSWD, nabigyan na ng Emergency Cash Assistance ang 111 na pamilya na biktima ng landslides sa barangay Masura Maco Davao de Oro.
Umabot narin sa 178.7 million pesos na Quick Response Funds ang naipalabas ng DSWD sa mga pamilyang biktima ng pagbaha at land slides sa Davao Region.
Nakikipag-ugnayan narin ang DSWD sa Local Government Units sa Davao Region para masustain ang tulong na kakailanganin ng mga biktima ng pagbaha at land slides.
Vic Somintac