DSWD pinagpapaliwanag ng Senado sa pamamahagi ng SAP
Pinagpapaliwanag na ni Senador Imee Marcos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tunay na datos sa ginawang pamamahagi ng ayuda sa mga apektado ng Covid-19 Pandemic sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Ayon kay Marcos, chairman ng Sub-Committee on Finance na tumatalakay sa panukalang budget ng DSWD, hindi tugma ang datos ng ahensya sa bilang ng mga nabigyan ng ayuda sa pondong naipalabas na.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ng DSWD na 90 percent nang natatapos ang pamamahagi ng ayuda.
Pero puna ng mga Senador, paanong naging 90 percent ang beneficiaries samantalang lumalabas na 80 percent pa lang ang nagagamit na pondo.
Iginiit ni Marcos na dapat linawin ng DSWD ang kanilang report bago aprubahan ang kanilang hirit na pondo.
Marami rin kasi aniya silang natanggap na reklamo na hindi nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2 samantalang kabilang sila sa pinakamahihirap na pamilya.
Senador Marcos:
“Hinihingan natin ang DWSWD ng paliwanag – bakit kasi magulo ang sagot nila noong briefing, eh puro numero lang naman ang isasagot? at numbers nila mismo ang di tumutugma! hopefully, pagbalik nila next week, maipaliwanag na nila ng mabuti. Mahalaga ito dahil sa Delta at iba pang variant, baka mangailangan ng isa o dalawa pang ikot ng ayuda – e wala na sa budget yun. papaano mo naman dadagdagan ng bagong budget ang department kung di pa naaayos ang lumang kuwenta”?
Meanne Corvera