DTI hinimok ang German companies na mamuhunan sa imprasktraktura at IT- BPO industry sa bansa
Inimbitahan ni Trade Secretary Alfredo Pascual ang German firms na mamuhunan sa imprastraktura, manufacturing, at IT- BPO industry sa Pilipinas.
Sa 2022 Philippine-German Business Forum ng German-PH Chamber of Commerce & Industry Inc. (GPCCI), muling ipinahayag ni Pascual ang mensahe ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na “open for business” na ang Pilipinas.
Aniya, nais ng gobyerno na palawigin pa ang mga German company na nagnenegosyo sa bansa.
Ipinagmalaki ni Pascual ang mga reporma ng gobyerno sa mga polisiya nito para mas makahikayat ng mga dayuhang investors at negosyo sa bansa.
Ang ilan sa mga ito ay ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) law at mga amyenda sa Foreign Investment Act, Retail Trade Liberalization Act at Public Service Act.
Binanggit ng kalihim ang bilateral meeting niya kay German Federal Minister for Economic Affairs and Climate Action Robert Habeck sa Asia Pacific Conference sa Singapore kung saan ipinahayag niya ang suporta ng DTI sa EU Global Gateway Fund.
Sa pamamagitan aniya ng nasabing 300 billion euros financing ay makakalahok ang EU companies kabilang na ang Germany private sector sa ongoing infrastructure development sa Pilipinas.
Hinimok din ng trade chief ang German companies na tingnan ang partnership opportunities sa electric vehicles manufacturing kabilang na ang mineral processing.
Bukod sa mga ito, ibinida rin ni Pascual ang mga oportunidad para sa German government at private sectors sa IT-BPO (IT-enabled business process outsourcing) sa Pilipinas na makatutulong sa digitization objectives ng Germany.
Sinabi ni Pascual na mahalagang trade partner ng Pilipinas ang Germany.
Noong 2021 aniya ay ika-12 ang Germany sa major trading partner, ika-7 sa export market, at ika-13 sa import source ng Pilipinas.
Moira Encina