DTI mag-i-inspeksyon sa mga nagbebenta ng mura ngang bigas pero may amoy at madilaw
Ang mga kalidad naman ng murang bigas na ibinebenta sa mga palengke ang sunod na i-inspeksyunin ng monitoring team ng Department of Trade and Industry.
Ayon kay DTI Asec Agaton Uvero, nakarating sa kanila ang mga report na may ilang rice retailers ang nagbebenta nga ng murang bigas pero may amoy naman at madilaw.
Nagpatulong na aniya sila sa National Food Authority para ma-train ang kanilang mga tauhan sa pagsuri ng kalidad ng bigas.
Paliwanag ng opisyal, hindi naman sila bihasa sa pagtukoy kung tunay nga bang regular o well milled rice ang mga ito.
Sa ilalim ng Executive Order 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na nag-aatas ng pagbebenta ng murang bigas, ang regular milled rice ay dapat ibenta lang sa halagang 41 pesos habang 45 pesos naman sa well milled rice.
Madelyn Moratillo