DTI, makikipagdayalogo na sa mga meat processor kaugnay ng bantang pagtaas ng presyo ng hotdog at bacon dahil sa ASF virus
Makikipagdayalogo na ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Department of Agriculture at mga meat processor kaugnay ng bantang pagtaas ng presyo ng hotdog, bacon at ham.
Nauna nang nagbanta ang Filipino Meat Processors na magtataas ng presyo dahil sa ipinatupad na temporary ban sa mga karneng baboy mula sa Germany.
Ang ban ay ipinatupad matapos madiskubre na ang mga karne ng baboy na inangkat mula sa Germany ay may kasamang karne mula sa Poland, kung saan nagmula ang African Swine Fever (ASF).
Pero ayon kay Trade secretary Ramon Lopez, dapat maghinay-hinay muna ang Agriculture Department dahil maaring magdulot ito ng problema.
Iginiit ni Lopez na kung iba-ban dapat munang may international proclamation hinggil dito ay napatunayan sa imbestigasyon na may virus ang inangkat na produkto.
Ulat ni Meanne Corvera