DTI pinayuhan ang mga mamimili na bumili na ng mga school supplies habang hindi pa nagtataas ang presyo
Aminado ang Department of Trade and Industry o DTI na hindi nila mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng mga school supplies.
Sa panayam ng programang Usapang Pagbabago, kinumpirma ni DTI Undersecretary Atty. Ruth Castelo na nagtaas ang presyo ng mga raw materials na ginagamit sa paggawa ng mga papel kaya tumaas din ang presyo ng mga school supplies sa bansa.
Pero pakikiusapan aniya nila ang malalaking paper manufacturer sa bansa na huwag muna nilang i-apply ang taas presyo sa mga current stocks.
Ipinaliwanag ni Castelo na ang pagtaas ng presyo ng mga school supplies ay hindi dahil sa TRAIN law.
Ito ay bunsod aniya ng pagtaas ng suplay ng mga raw materials sa paggawa ng mga papel dahil karamihan sa ginagamit sa paggawa ng mga ito lalu na ang mga branded papers ay imported.
Kaya payo ng DTI sa mga mamimili, ngayon pa lang ay bumili na ng mga gamit pang-eskuwela gaya ng notebook at mga pad papers habang hindi pa gaanong nagtataas ng presyo.
“Habang wala pa ngayon at hindi pa nagtataas ang presyo masyado, bumili na sila at huwag na silang makipagsabayan sa dagsa ng mga mamimili pag malapit na ang pasukan. At habang hindi pa nagtataas lahat ng presyo”.