DTI planong maglunsad pa ng Diskwento Caravans sa harap ng mataas na presyo ng mga bilihin
Plano ng Department of Trade and Industry (DTI) na magkaroon pa ng mas maraming Diskwento Caravan, at isulong ang direktang pagbebenta upang mapanatiling mababa ang presyo ng bigas, baboy, manok at iba pang pangunahing bilihin.
Sa kaniyang mensahe sa mga mamamahayag, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na nais ng DTI na magsagawa pa ng Diskwento Caravans para magkaroon ng pagkakataon ang mga konsyumer, na makabili ng mga pangunahing pangangailangan nang direkta mula sa manufacturers at producers.
Ang Diskwento Caravans ay isinagasagawa sa pakikipagtulungan ng local government units (LGUs).
Sinabi ni Lopez, na magsasagawa ang DTI ng pilot-test ng permanenteng Diskwento Caravans sa iba’t-ibang mga lugar.
Ipino-promote ng ahensiya ang direktang pagbebenta para mabawasan ang papel ng middlemen, at gawing abot-kaya ang mga halaga.
Sa pamamagitan ng “Presyong Risonable Dapat” program, binibigyan ng DTI ng pagkakataon ang mga konsyumer na makabili ng mas murang bigas at pork products mula sa participating supermarkets at retailers.
Aniya, may iba pang uri ng suportang ipinagkakaloob ang gobyerno upang mapababa ang presyo ng bigas.
Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, sinabi niya na higit P10 bilyong halaga ng suporta kada taon ang ibinibigay sa mga magsasaka ng bigas, sa pamamagitan ng mga binhi, makinarya, abono at tulong pinansiyal.
Ayon pa kay Lopez, ang Department of Agriculture (DA) ay nagkakaloob din ng fuel vouchers sa mga magsasaka.
Isinusulong din ng pamahalaan ang pag-aalis sa pass-through charges sa LGUs upang makatulong sa pagbaba ng presyo.
Tungkol naman sa kahilingan na i-adjust ang suggested retail prices (SRPs) ng ilang pangunahing bilihin, sinabi ni Lopez na pinag-aaralan pa ito.
Una nang sinabi ni Trade Assistant Secretary Ann Claire Cabochan, na nakatanggap sila ng mga kahilingan mula sa manufacturers ng gatas ebaporada at kondensada, mga delatang karne at sardinas na itaas ang SRP.
Sinabi ni Cabochan, na kailangang aprubahan muna ng DTI bago makapagpatupad ng anumang adjustments sa SRP ng basic necessities at prime commodities.