DTI tiniyak na walang pag-akyat sa presyo ng mga manufactured food products sa harap ng pagtama ng bagyo sa bansa; Pero halaga ng mga agricultural products, posibleng maapektuhan ng paparating na kalamidad

Ginarantiya ng Department of Trade and Industry o DTI na hindi magkakaruon ng paggalaw o pagtaas sa presyo ng manufactured food products sa harap ng pagtama ng bagyong Ompong sa bansa.

Sa economic press briefing sa palasyo, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na sa kanilang pakikipag-pulong sa samahan ng mga manufactured food products, umayon ang mga ito na walang magaganap na pagtaas sa presyo ng mga de latang sardinas, kape, bottled water, canned pork and beef.

Gayunpaman, inihayag ni Castelo na iba ang sitwasyon tungkol sa mga produktong pang-agrikultura.

Ayon kay Castelo inaasahan na na maaapektuhan ang agricultural products sa panahon ng kalamidad kaya’t tiyak na hindi maiiwasan na magkaruon ng paggalaw sa halaga ng mga produktong pang-agrikultura gaya ng mga gulay.

Sa harap ng inaasahang paghagupit ng bagyong Ompong na makakasira sa mga naani ng palay, siniguro din ng DTI  na may sapat na supply ng bigas sa bansa.

Limang milyong sako ang nakatakdang anihin sa buwan ng Oktubre bukod pa sa mga paparating na aangkating bigas mula sa ibang bansa.

Inihayag ni Castelo na mahigpit din ang ginagawa ng DTI na price monitoring sa mga pangunahing bilihin dahil sa epekto ng 6.4 inflation rate na naitala noong buwan ng Agosto.

 

Ulat ni Vic Somintac

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *