Duterte supporter at dating Manila councilor Greco Belgica, nagsumite sa DOJ ng mga dagdag ebidensya laban sa mga author ng DAP
Naghain ng mga karagdagang ebidensya sa Department of Justice o DOJ si dating Manila councilor at Duterte supporter Greco Belgica kaugnay sa mga may-akda ng Disbursement acceleration program o DAP.
Sa kaniyang sulat kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, kasamang isinumite ni Belgica ang ilang mga dokumento na magpapalakas sa kanilang naunang draft complaint laban sa mga DAP authors noong Aquino administration.
Kabilang dito ang Transcript ng hearing ng Senate finance committee noong October 12, 2011 kung kailan daw nilikha ang DAP kahit wala sa agenda.
Pinapatunayan aniya nito ng pagsasabwatan ng dating administrasyon at mga senador na presente sa nasabing pagdinig kabilang si Senador Antonio Trillanes IV.
Dumalo rin aniya sa hearing sina dating Budget Secretary Butch Abad at Interior Secretary Mar Roxas na kwestyonable.
Una nang hiniling ni Belgica kay Aguirre na imbestigahan at sampahan ng kasong malversation sina Aquino, Abad at dating DBM undersecretary Mario Relampagos kaugnay sa isyu ng DAP.
Inatasan na noong nakaraang Nobyembre ni Aguirre ang NBI ang pagbubukas muli ng imbestigasyon sa PDAF at DAP anomalies sa harap ng mga bagong ebidensya na naungkat at ipinrisinta ng grupo ni Belgica sa DOJ.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===