E-Gates, muling ilulunsad ng Immigration Bureau
Inanunsiyo ng Bureau of Immigration (BI), na muli nilang ilulunsad ang Electronic Gate System (E-Gate) project para sa mga Filipinong dumarating galing sa ibang bansa.
Ito ay upang mas mapabilis ang immigration processing at maiwasan na rin ang mahabang pila sa paliparan pagdating ng holiday season.
Kaugnay nito ay inatasan na ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang port operations division ng BI, na muling pasiglahin ang E-Gate scheme.
Una itong inilunsad noong Agosto, 2018 ngunit natigil noong March 2020 sanhi ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Morente, na ngayong bumaba na ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa kaya muling nilang ilulunsad ang proyekto para na rin sa ikagiginhawa ng mga pasahero.
Aniya . . . “We are also implementing strict regular disinfection of the area to prevent transmission.”
Paliwanag ng opisyal, sa pamamagitan ng E-Gates ay mababawasan ng 45 segundo ang immigration processing, at matutukoy din maging ang derogatory records, mga wanted fugitives, at mga nasa immigration blacklist, watch list at hold departure list.
Bukod kasi sa biometric scanning, ang E-Gates ay may pinakabagong security features gaya ng facial recognition, bar code reading, at smart card recognition.
Kaugnay nito ay inatasan na ni Immigration acting port operations chief Atty. Carlos Capulong ang mga technical staff, na magsagawa ng dry run para sa E-Gates na ngayon ay nakakabit na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Capulong . . . “These E-gates are intended only for Filipinos, especially returning overseas Filipino workers (OFWs). However, children, senior citizens on wheelchairs and other handicapped travelers may be serviced by a special lane.”