E-GovPH super app inilunsad ng Marcos administration
Pormal na inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang E-Gov PH super app.
Personal na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng programa kasama ang ilang ahensya ng gobyerno.
Inilunsad ang E-Gov PH super app sa isang seremonya sa President’s Hall sa Malacañang bilang bahagi ng selebrasyon sa 15th National ICT Month.
Layon ng app na maging kumbinyente sa mga Pilipino ang pakikipag-transaksyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng lahat ng online services sa iisang platform.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi opsyon ang digitalization kund isang bagay na dapat isakatuparan lalo’t napag-iwanan na ang bansa sa digitalization.
“We are trying to make maximum use of the technologies available to us. We are talking about the ease of doing business, ease of interacting with the government,” pahayag ng Pangulo sa kaniyang talumpati.
“This is essential to all the plans. This is going to be another building block in the foundation of transforming the economy. This e-governance, the idea is something we need to do because we have fallen behind,” pagdidiin pa ni Pangulong Marcos.
May tatlong pamamaraan para mag-sign-up ang publiko sa E-Gov PH super app.
Una ay kailangang i-download ang app sa pamamagitan ng app store o google play sa mga mobile units at kailangang mag-rehistro.
Dapat ding matiyak na tama ang ibibigay na impormasyong hinihingi gaya ng mobile number, kumpletong basic information at facial recognition technology upang maging matagumpay ang registration.
Ang e-GovPH super app ay itinuturing na one-stop platform para sa local at national government services kung saan maaaring mag-transact ng serbisyo gaya ng SIM registration, local government unit (LGU) services, job applicstion, tourism information, start-up empowerment, healthcare information at feedbacks.
Bago ang paglulunsad ng e-GovPH super app ay muling nakipagpulong si Pangulong Marcos sa digital infrastructure cluster ng Private Sector Advisory Council (PSAC) kung saan ay tinalakay ang mga susunod na hakbang sa pagpapabuti ng digitalization efforts sa bansa.
Inihayag ng Pangulo ang suporta sa paggamit ng Paleng-Qr PH plus at sa pagpapaigting ng edukasyon para sa mga magsasaka, mangingisda at micro medium and small entrepreneurships (MSMEs) hinggil sa paggamit ng e-wallets at iba pang digital payment apps.
Matatandaang nagsimula ang naturang inisyatibo noong nakaraang taon sa pangunguna ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa bansa.
Inirekomenda rin ng PSAC sa nasabing pulong ang pagsasapinal ng National Cybersecurity Plan (ncsp) 2023-2028 at paggamit ng connectivity index rating system.
Tiniyak naman ng Pangulo na mas palalawakin pa ng kaniyang administrasyon ang internet services hanggang sa mga malalayo at liblib na lugar upang madaling makapag-transaksyon ang publiko gamit ang kanilang mga cellphone at iba pang gadget.
Eden Santos