E-visa system ng Pilipinas ilulunsad sa China sa August 24
Sa China sisimulan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang implementasyon ng kauna-unahang electronic visa system ng bansa.
Itinakda sa Agosto 24 ang soft launching o limitado na pagtanggap ng aplikasyon ng e- Visa sa mga foreign service post ng Pilipinas sa Tsina.
Ipinakita sa media ang website at nagsagawa ng demonstration ang DFA sa paghahain ng aplikasyon gamit ang e-Visa system website.
Maa-access ang e-visa site sa https://visa.e.gov.ph simula sa Agosto 24.
Sa pamamagitan nito, maaari nang gamitin ng mga dayuhan na nais magtungo sa Pilipinas para sa negosyo o turismo ang kanilang personal computers, laptops, at mobile devices para makapag-apply sa temporary visitors’ visas.
Inaasahan ng DFA na magkakaroon ng surge ng mga aplikasyon mula sa Chinese nationals sa oras na ito ay maipatupad.
Bago ang pandemya ay umaabot sa 200 hanggang 300 na aplikasyon sa visa ang pinuproseso ng mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa Tsina.
Mula naman noong Enero hanggang Hunyo ngayong taon, nasa 48,000 visa application ang nai-proseso ng bansa.
Napili ng DFA ang China sa pilot implementation dahil na rin sa dami ng Chinese tourists sa bansa bago ang pandemya.
Target ng DFA ang full implementation ng e-visa bago matapos ang taon.
“The DFA envisions the e-visa as an efficient user friendly service that will contribute to ph govt thrust to promote tourism and business stability.” pahayag ni Usec Jesus Domingo
Moira Encina