Eagle News correspondent Odessa Cruz, kinilala ng UNICEF dahil sa maingat na pagbabalita sa BARMM
“Mahalaga para sa akin na kapag nagsulat ako ng mga balita tungkol sa mga bata o anumang iba pang mahinang sektor ng lipunan, dapat akong huminto sandali at isipin kung ang impormasyong ihahatid ko sa balita ay makakaapekto sa kanilang pagkasensitibo, pagiging pribado, mga karapatan at kapakanan”- Eagle News correspondent Odessa Cruz, (sa panayam ng UNICEF)
Kinikilala ng UNICEF ang kahalagahan ng responsableng pagbabalita sa mga pangyayari sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang magtagumpay ang isinusulong nitong kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon partikular na para sa mga kabataan lalo na ngayong may pandemya.
Isa na rito ang kontribusyon ni Eagle News correspondent Odessa Cruz, na mahigit sampung taon nang sumusubaybay sa mga pangyayari sa Central Mindanao, matapos itong lumahok sa isang serye ng mga media forum na isinagawa ng UNICEF tungkol sa ‘Child-based Reporting in the New Normal’.
Inilunsad ang serye ng media forums dahil naniniwala ang UNICEF na bukod sa suplay ng tubig, health and nutrition training, supplements, sanitation and hygiene, at pagbibigay ng mga importanteng impormasyon tungkol sa COVID-19 na ipinagkakaloob nito sa rehiyon, napakahalaga rin ng responsible reporting para sa BARMM.
Sa ginawang panayam ng UNICEF kay Cruz, sinabi nito na sa mga nakalipas na taon ay isang malaking hamon ang pagkalap ng mga datos sa kalagayan ng edukasyon, kalusugan at social service ng mga batang kabilang sa “vulnerable families” sa Muslim Mindanao.
Bago aniya mabuo ang Bangsamoro Organic Law, ang mga istoryang pwede nilang isulat tungkol sa mga bata ay limitado lamang sa pagtakas ng mga ito kasama ng kanilang pamilya mula sa mga lugar na may kaguluhan.
Kung may mga balita naman ay limitado lamang sa kung gaano kahirap ang kanilang mga pamilya at ang epekto sa kanila ng mga labanan.
Lahat ito ay naglalarawan ng negatibong imahe para sa mga kabataang Bangsamoro.
Subalit ngayon, unti-unti na aniyang nilang nakikita na ang mga programa at polisiya sa kasalukuyang BARMM government ay iniaayon para sa kapakanan ng mga bata.
Ngayong nabigyan na ang Bangsamoro ng matagal na nilang hinahangad na autonomiya, nagsisimula na ring makamit ang kapayapaan, at sumusunod na rin ang kaunlaran.
“Ang kalusugan at nutrisyon at pagkakaroon ng de-kalidad na edukasyon ay mga alalahaning dapat agad na tugunan. Pinalala pa ng COVID-19 pandemic ang isyu sa mahinang edukasyon, kalusugan at nutrisyon. Dahil sa mga restriksyon ng gobyerno dahil sa COVID 19, lubhang naapektuhan ang mga mamamayan ng Bangsamoro ng limitadong access sa mga nabanggit na serbisyo. Ang kakulangan ng technical capability para sa online learning ng karamihan sa mga batang Bangsamoro ay lalo pang nagpalala sa mga kaso ng mahinang edukasyon kasunod ng mga quarantine at lockdown. Bagama’t marami naman ang naabot at nabigyan ng ayuda, marami pa ring nangangailangan na nasa mga liblib na lugar.
“Bilang isang mamamahayag na sumusubaybay at gumagawa ng ulat sa Central Mindanao mula pa sa mga unang bahagi ng 2000, masasabi ko na nagkaroon ng pag-unlad sa Bangsamoro communities dahil sa pamamagitan ng BARMM government (sa tulong ng iba’t-ibang international agencies gaya ng UNICEF). Marahil sa mga susunod na taon, sa walang tigil na tulong at mga programa sa pag-unlad mula sa gobyerno, mas marami nang tao sa Bangsamoro ang makikinabang.
“Ang media forum ay nagpa-alala sa akin ng halaga at tuntunin ng moralidad na dapat sundin ng isang mamamahayag kapag nag-uulat tungkol sa mga isyu ng mga bata. Ang patuloy na pag-uusap tungkol sa kung paano makatutulong ang media sa pangangalaga sa mga karapatan ng mga bata, ay lumikha ng malawak na impresyon hanggang sa gawin ko nang prinsipyo na magsulat o mag-ulat ng mga kwento hinggil sa mga bata sa isang paraan na magsusulong ng kanilang kapakanan at karapatan.
“Natutunan ko na ang pag-uulat tungkol sa mga bata ay kasing seryoso ng pag-uulat tungkol sa giyera o krimen. Kailangang maging maingat ang mga manunulat o mamamahayag tungkol sa mga detalye dahil ang mga bata ay may karapatan sa confidentiality at privacy. Maaaring maharap ang isang media personality sa kasong kriminal dahil sa iresponsableng pag-uulat o pamamahayag.
“Sumusumpa ako na sa lahat ng oras ay gagawin ang responsableng pag-uulat, sa lahat ng aspeto ng aking trabaho, at sa lahat ng uri ng mga trabahong may kaugnayan sa pamamahayag at pag-uulat. Mahalaga para sa akin ngayon na kapag nagsulat ako ng mga balita tungkol sa mga bata o anumang iba pang mahinang sektor ng lipunan, dapat akong huminto sandali at isipin kung ang impormasyong ihahatid ko sa balita ay makakaapekto sa kanilang pagkasensitibo, pagiging pribado, mga karapatan at kapakanan.
“Ang Bangsamoro ay natatangi. Kaming mga miembro ng media na nagko-cover sa Bangsamoro region, higit kaninuman ang tunay na nakauunawa sa mga tao rito sa lahat ng kanilang pagkakaiba-iba.
“Ang panawagan ko para sa ating lahat na kasapi ng media, manatili tayong totoo sa ating responsibilidad bilang tagapaghatid ng impormasyon sa publiko. Mag-ulat nang may katapatan at kawastuan at, syempre, huwag kalimutang maging sensitibo sa mga karapatan at kapakanan ng mga batang Bangsamoro.
“Tandaan din nating isaalang-alang ang pagsulat ng ating mga balita na may diin sa halaga ng kapayapaan, upang makapag-ambag tayo sa kapayapaan at kaunlaran na makikinabang hindi lamang ang Bangsamoro kundi ang buong isla ng Mindanao.
Liza Flores