Eastern India, binabayo ng malakas na bagyo
DIGHA, India (AFP) – Binabayo ng malalakas na ulan at hangin ang eastern India, sanhi ng paglikas ng 1.2 milyong katao para maghanap ng matutuluyan.
Maraming mga siyentista ang nagsasabi na ang mga bagyo sa northern Indian Ocean, ay nagiging mas madalas at mas matitindi dahil sa pag-init ng karagatan sanhi ng climate change.
Nito lamang nakalipas na linggo, hindi bababa sa 155 ang nasawi sa western India dulot ng Cyclone Tauktae.
Ang bagong bagyo ngayon na may pangalang Cyclone Yaas, ay nagtulak sa paglikas ng higit 1.2 milyong katao sa eastern states ng West Bengal at Odisha.
Ayon sa Indian Metereological Department, nagsimulang maglandfall ang bagyo bandang alas-9:00 ng umaga kanina (oras sa India), at nagbabala na magdudulot ito ng malalaking alon na mas mataas kaysa bubong ng mga bahay sa ilang lugar.
Ang coastal areas ay nakaranas ng pagbugso ng hanging aabot sa 155 kilometro bawat oras at malalakas na mga pag-ulan.
Sinabi ng isang residente ng Balasore district, na kagabi pa sila binabayo ng malakas na ulan at hangin at may ilan nang punong nabunot mula sa lupa at may naputol na mga kawad ng kuryente.
Ayon sa mga awtoridad, dalawa ang nasawi matapos makuryente, nang tamaan ng tornado ang Hooghly district sa West Bengal bago dumating ang bagyo.
Ipinag-utos naman ng Kolkata, ang pangunahing siyudad sa West Bengal na isara ang kanilang international airport. Sinundan naman ito ng airport sa Bhubaneswar, ang kapitolyo ng Odisha.
Nanawagan din si Odisha chief minister Naveen Patnaik sa publiko, na bawat buhay ay mahalaga kaya hindi dapat mag-panic at lumayo sa mga baybayin.
Ayon sa National Disaster Response Force, 4,800 disaster workers ang ipinosisyon na sa dalawang estado, na may dalang pamutol ng puno at kawad, emergency communications, inflatable boats at medical aid.
Ang dalawang nabanggit na estado ay kapwa nakikipaglaban sa coronavirus wave na ikinasawi na ng higit sa 120,000 katao sa magkabilang panig ng India sa nakalipas na anim na buwan.
Bagama’t nagpamahagi ng face masks sa emergency shelters at sinisikap naman ng relief workers na maipatupad ang social distancing, nangangamba ang maraming opisyal na pabibilisin ng bagong bagyo ang pagkalat ng virus.
Sinabi ni Udaya Regmi, South Asia head ng International Federation of Red Cross at Red Crescent Societies . . . “This cyclone spells double trouble for millions of people in India as there is no respite from COVID-19.”
Ayon naman kay West Bengal state minister Bankim Chandra Haza . . . “The storm is a terrible blow for many people in coastal districts whose families have been struck down by COVID-19 infections and deaths. It would be a big challenge to maintain social distancing in the emergency shelters.”
Dagdag pa ni Haza, ilang vaccination centers sa nabanggit na mga distrito at maging sa Kolkata ang nagsuspinde ng operasyon dahil sa bagyo, at isang espesyal na operasyon din ang inilunsad para tiyakin ang suplay ng oxygen at mga gamot sa mga ospital.
@ Agence France Presse