Economic Solid waste management law, pinagtibay na ng Senado
Oobligahin na ang malalaking kumpanya at mga manufacturers sa bansa na magkaroon ng programa para sa paglikom ng mga plastic na basura mula sa kanilang mga ginagawa at ibinebentang produkto.
Ito ay matapos pagtibayin ng Senado ang Senate bill 2434 na aamyenda sa Republic act no. 9003 o Ecological Solid Waste Management Law.
Sa inaprubahang panukala na tinawag na extended producer responsibility, obligado na ang lahat ng producers, manufacturer at mga importers na irecover, i recyle at i dispose ang lahat ng packaging ng kanilang mga produkto kapag naibenta at nagamit na ng mga consumers.
Dapat rin nilang simulan na ang paggamit ng mga reusable at recyclable na mga packaging sa mga produkto.
Sinabi ni Senador Cynthia Villar na Chairman ng Senate Committee on Environment na ipinasa ang panukala dahil sa matinding clamor para sa pagbabawal ng produksyon, paggamit at importasyon ng mga single use plastic tulad ng mga sachet ng shampoo, kape, sabon at iba pang produkto.
Napapanahon na rin aniyang umaksyon ang Kongreso dahil ang mga plastic na basura ang pumapatay sa mga yamang dagat at nagiging dahilan rin ng pagbaha.
Magbibigay naman ng insentibo sa buwis ang gobyerno sa mga kumpanyang tatalima habang pagmumultahin ang mga hindi susunod.
Pero hindi saklaw ng panukala ang mga micro small and medium enterprises.
Meanne Corvera