Economic team ng Marcos Gov’t, nanawagan sa agarang pagpasa ng panukalang paglikha sa Maharlika Wealth Fund
Sa harap ng kabi-kabilang oposisyon at pagbatikos, idinipensa at nagpahayag ng suporta ang economic team ng Pamahalaang Marcos sa panukalang batas sa Kamara para sa paglikha ng Maharlika Wealth Fund.
Sa statement ng economic managers ng gobyerno na binasa ni Finance Secretary Benjamin Diokno, nanawagan ang mga ito sa Dalawang Kapulungan ng Kongreso na agarang ipasa ang panukala na lilikha sa sovereign wealth fund at Maharlika Investment Corporation.
Subok na aniya ang sovereign wealth fund sa ibang bansa gaya ng Indonesia at Singapore.
Iginiit ni Diokno na malaki ang maitutulong ng MWF upang makamtan ang hangad na paglago ng ekonomiya ng Gobyernong Marcos.
Aniya, walang perpektong timing o panahon sa investment at dapat na mag-invest ang bansa.
Ayon pa sa kalihim, dapat matagal nang nagkaroon ng sovereign wealth fund ang Pilipinas dahil ito ay para sa hinaharap na henerasyon.
Binigyang-diin pa ng kalihim na maraming safeguard na inilagay sa panukala upang matiyak na ito ay magagamit nang tama at may transparency at accountability
Paliwanag pa ni Diokno, alinsunod sa panukala ay professionals ang mamamahala sa pondo.
Hindi rin aniya ito dapat na ihalintulad sa 1Malaysia Development Berhad (1MdB) na may single signatory at walang safeguards dahil may check and balances ang MWF.
Nilinaw pa ng kalihim na may pera o source ng funds ang Pilipinas para sa MWF at ang utang ng Pilipinas ay mababa lamang.
Moira Encina