EcoWaste Coalition nagbabala laban sa paggamit ng face masks na may nanographene
Hinimok ng EcoWaste Coalition ang FDA na mag-isyu ng public health advisory laban sa paggamit ng face masks na may sangkap na nanographene na maaaring makapinsala sa baga.
Kaugnay ito sa abiso ng health department ng Canada na nagbabawal sa paggamit ng mga nasabing face mask dahil sa posibleng malanghap ang mga graphene particles na pwedeng may masamang epekto sa kalusugan ng tao.
Ayon sa grupo, ipina-recall ng Health Canada na katumbas ng DOH ng Pilipinas sa merkado ang mga face mask na naglalaman ng graphene o biomass graphene.
Ito ay makaraang makatanggap ang Canadian health authorities ng mga reklamo ng breathing difficulties mula sa mga gumamit ng mga graphene-containing masks at matapos ang isinagawang assessment sa mga available research ukol sa potensyal nito na magdulot ng early lung toxicity sa mga hayop.
Sa sulat na ipinadala ng grupo sa FDA, hiniling din nito na ipatigil ng ahensya ang pag-manufacture, pag-angkat, pamamahagi at pagbenta ng nabanggit na produkto sa mga retail stores at online shopping sites.
Sinabi ng EcoWaste na dapat matiyak ng gobyerno na ang mga face mask at iba pang personal protective equipment ay walang halong graphene at iba pang toxic nanoparticles lalo na’t essential ito para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Nais din ng grupo na obligahin ng FDA ang mga manufacturer ng medical face mask na maglagay ng labeling information ukol sa mga sangkap nito.
Nabatid din ng EcoWaste sa kanilang paunang market monitoring na ibinibenta ng mga third-party dealers sa mga popular na online shopping platforms ang graphene face masks.
May mga wholesalers at retailers din sa Bambang at Binondo sa Maynila na nagtitinda ng nano masks na may unidentified nano fibers.
Moira Encina