ECQ, extended pa ng 1 week
Extended pa ng minimum na isang linggo ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinatutupad sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan.
Inanunsiyo ito ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque matapos ang meeting ng Inter Agency Task Force (IATF).
Ang extension ng ECQ ay magsisimula sa Lunes, Abril 5, 2021 at magtatapos sa Abril 11, 2021 kasabay ng pagpapatupad ng pinaigting na PDITR (Prevention, Detection, Isolation, Tracing, at Reintegration).
Ayon kay Roque, kung magiging matagumpay ang resulta ng PDITR ay maaari nang ibaba sa Moderate Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan sa susunod na linggo.
Dahil dito, inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng daily monitoring sa resulta ng pagpapatupad ng PDITR.
Kabilang dito ang pagbabahay-bahay, paghahanap sa mga may sintomas, at pagsasailalim sa mga ito sa PCR Testing at isolation.
Samantala, ibinalita rin ni Roque na may 110 bed capacity para sa moderate to severe cases ang bubuksan sa Quezon Institute, habang may 160 bed capacity pa ang maidaragdag sa susunod na buwan.