Ed Sheeran inakusahan ng copyright infringement para sa ‘Shape of You’
Nagtungo ang British singer-songwriter na si Ed Sheeran sa mataas na hukuman ng London, kaugnay ng pagbubukas ng copyright trial hinggil sa mga alegasyon na ang musical phrases sa kaniyang hit song na “Shape of You” ay kinuha sa ibang awitin.
Ang “Shape of You,” na inilabas noong 2017, ay naging isang “huge hit” para sa 31-anyos na si Sheeran, at namamalaging “most streamed-song” sa Spotify, na may higit tatlong bilyong streams.
Dahil sa naturang awitin, si Sheeran ay nagwagi ng isang Grammy para sa Best Pop Solo Performance. Mayroon siyang isang writing credit sa track kasama ng ilang iba pa.
Subali’t sinabi ng dalawang songwriters na sina Sami Chokri at Ross O’Donoghue, na ang awitin ni Sheeran ay may musical similarities sa isa sa kanilang isinulat na awitin, ang “Oh Why.”
Itinanggi naman ni Sheeran ang alegasyon.
Noong 2018, si Sheeran at ang iba pang credited writers ng awitin ay naglunsad ng legal na aksyon laban kina Chokri at McDaid, na nagtulak naman sa dalawa para maglunsad din ng sarili nilang pag-aangkin para sa “copyright infringements, damages and an account of the profit in relation to the alleged infringement.”
Ang legal battle ay inaasahang tatagal ng tatlong linggo, kung saan pinakinggan ni judge Antony Zacaroli ang dalawang awitin noong Biyernes sa korte.
Ayon sa abogadong si Andrew Sutcliffe, kumakatawan kina Chokri at McDaid . . . “The similarity between the two hooks is striking and the songs sound almost identical. This of course does not by itself prove that copying has taken place but it’s a vital starting point.”
Ipinahihiwatig ni Sutcliffe na si Sheeran ay isang “magpie” na nanghihiram ng mga ideya na minsan ay hindi nito kinikilala, o hindi niya binibigyan ng credit ang kaniyang hiniraman.
Sinabi naman ng mga abogado ni Sheeren sa mataas na hukuman, na ang mang-aawit at co-writers nito ay walang naaalalang narinig na nila ang awiting “Oh Why” ng mga panahong iyon.
Pansamantala namang itinigil ng PRS for Music, na siyang nagbabayad ng royalties para sa paggamit ng musika, ang royalty payments.