Egypt crossing bubuksan na ng Israel
JERUSALEM (AFP) – Muling binuksan ng Israel ang Taba border post nito sa Egypt, na isinara dahil sa pandemya, kung saan papayagan ang limitadong bilang ng mga tao para makatawid sa Sinai peninsula sa kanilang Passover holidays.
Ang hakbang ang pinakabago patungo sa pagbabalik sa normal para sa Israel, na nakapagbigay na ng bakuna sa higit kalahati ng halos 9.3 milyong residente nito laban sa coronavirus, ang pinakamabilis sa buong mundo.
Simula ngayong Martes hanggang sa April 12, 300 ang papayagang dumaan sa Taba sa Red Sea bawat araw.
Para makatawid, ang isang indibidwal ay kailangang nabakunahan o kaya ay magaling na sa sakit na COVID-19. Kailangan din ng isang negative laboratory test para makadaan sa magkabilang direksyon.
Ang Sinai peninsula sa Egypt ay isang sikat na vacation spot para sa mga Israeli, laluna kapag panahon ng kanilang Passover break na magsisimula ngayong weekend, ngunit dahil sa pandemya ay isinara na ang Taba mula noong Marso ng nakalipas na taon.
Ang matagumpay na vaccination rollout ng Israel, ay nagkakaroon nan g progreso laban sa virus.
Ayon sa health ministry ng Israel, ang bilang ng serious coronavirus cases, na nasa 800 sa pagtatapos ng Pebrero ngayong taon, ay bumaba na sa 467.
© Agence France-Presse