Ekonomista: 7% economic growth projection ng PH ngayong 2023, posible
Kampante ang isang ekonomista na kaya ng Pilipinas na maabot ang 7% na paglago sa ekonomiya ngayong taon.
Sa World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland, ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 7% ang economic growth projection ng Pilipinas ngayong taon.
Aniya, 6.5% ang naunang projection ng bansa pero may mga senyales na maaari itong malagpasan.
Sinabi ni RCBC Chief Economist Michael Ricafort na posible na makamit ito dahil normal at bukas na bukas na ang ekonomiya ng bansa matapos na mawala na ang lockdowns at luwagan ang health protocols.
Isa aniya sa pangunahing economic growth drivers ay ang turismo na unti-unti nang sumisigla.
Gayunman, aminado ang ekonomista na marami pa rin talagang hamon gaya ng mataas na inflation rate at mataas na presyo ng mga bilihin na iniinda ng mga Pilipino.
Inaasahan naman ni Ricafort na pagdating sa huling bahagi ng taon ay babagal ang implasyon sa 3 to 4%
Sang-ayon si Ricafort sa naging pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na nalagpasan na ng bansa ang pinakamatinding hamon sa ekonomiya.
Ipinaliwanag pa ng ekonomista na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay bunsod ng epekto ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine at pagtaas sa minimum wage ng mga empleyado.
Normal din aniya na tumaas ang presyo ng agricultural products bunsod na rin ng mataas na demand at mababang suplay, at pagtaas ng presyo ng krudo at mga abono.
Aniya ang tawag dito ay second round inflation effect na talagang nangyayari sa economic cycle.
Isa naman sa nakikitang solusyon ng eksperto para maibsan at mapababa ang mga bilihin lalo ng mga pagkain ay ang pagpapalakas sa food production ng bansa na unti-unti naman na aniyang tinutugunan ng kasalukuyang administrasyon.
Moira Encina