Ekonomiya ng bansa,nakabawi na mula sa recession
Tuluyan nang nakabangon ang ekonomiya ng Pilipinas sa matinding recession na dulot ng COVID- 19 pandemic.
Katunayan, sinabi ni National Statistician USEC Dennis Mapa na tumaas ang gross domestic product ng bansa na naitala sa 11.8 percent sa second quarter ngayong taon na pinakamataas na naitala mula pa noong 1988.
Mas mataas rin ito kumpara sa 3.9 percent na naitala sa unang quarter ng 2021 at 8.3 percent sa huling quarter ng 2020.
Ilan sa mga sektor na nakatulong para umakyat ang ekonomiya ang Manufacturing, Construction, Wholesale and retail trade at repair ng mga motor vehicles and motorcycles maliban sa agrikultura na apektado pa rin ng african swine fever at mfa nagdaang bagyo.
Ayon kay NEDA Secretary Karl Kendrick Chua, lumakas rin ang ekonomiya mula sa negative 17 percent noong nakaraang taon dahil sa paggastos ng mga tao sa tulong ng mga ipinamahaging ayuda sa ilalim ng social amelioration program.
Nakatulong rin ang pagpopondo sa mga MSME sa pamamagitan ng subsidy mula sa gobyerno at paglakas ng construction industry kahit pa may mga na quarantine restrictions.
Lumakas rin aniya ang mga construction projects ng gobyerno na naitala sa 49 percent sa ilalim ng build build build program.
Aabot aniya sa mahigit 600 libo katao ang nakabalik sa trabaho sa second quarter habang unti-unti ring nakakarecover ang import at export industry ng bansa.
Sinabi ng kalihim puspusan ang ginagawang pagbabakuna ng gobyerno para mabuksan pa ang ibang sektor ng negosyo.
Meanne Corvera