Ekstrang pondo upang maipatupad ang Universal Health Care Bill, kailangan- Action for Economic Reform
Nananawagan ang grupong Action for Economic Reform o AEC kay Senador Sonny Angara na simulan na ang pagdinig ukol sa pagpapataas ng buwis sa tabako para tiyakin ang sapat na pondo sa inihaing UHC o Universal Health Care bill.
Bilang bahagi ng Sin tax coalition, naniniwala ang AEC na kailangan na tiyaking may kaukulang pondo upang maipasa ang UHC bill at maging ganap na batas.
Matatandaang ipinangako ni Senador Angara ang pagsasagawa ng hearings sa tobacco tax increase noon pang nakaraang taon.
Ayon kay Senior Economist Jo-ann Diosana ng Action for Economic Reforms, sa ngayon ay inaantay pa ang opisyal na pahayag ng Department of Health kaugnay sa halaga ng kinakailangang ekstrang pondo para maipatupad ang Universal Health care.
170 Bilyong piso ang kasalukuyang budget ng DOH ngunit ayon kay Senador Angara, isa sa mga may-akda ng Senate Bill 1673 sa UHC, nangangailangan ng 250 bilyong pisong ekstrang pondo ang ahensya para sa programa.
Paliwanag pa ni Diosana, hindi nakakagulat ang kinakailangang malaking pondo dahil sa malaki ang pangangailangan na mamuhunan sa Health Human resources.
Isa sa nakikitang maaring pagkunan ng pondo ay ang pagdadagdag sa buwis sa sigarilyo at alak.
Malaki umano ang potensyal ng sin taxes para madagdagan ang pondo sa universal health care.
Inaantay na lamang ang mga pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, sa pangunguna ni Senador Angara, para sa Senate Bill 1599 ni Senador Manny Pacquiao at Senate Bill 1605 ni Senador JV Ejercito.
Sa bersyon ni Senador Pacquiao, dadagdagan ng 60 pisong buwis ang bawat pakete ng sigarilyo na inaasahang makalilikom ng 105 Bilyong pisong dagdag na pondo sa loob ng limang taon.
Sa panukala naman ni Senador Ejercito, itataas sa 90 pisong buwis sa bawat kaha ng sigarilyo na inaasahang magdaragdag ng 168 Bilyong piso makalipas ang anim na taon.
Ulat ni Belle Surara